World Elder Abuse Awareness Day
Inter-Agency Council Against Trafficking Banner
Tagalog news: Dugoy Festival 2014 sa Sablayan naging matagumpay
By: Voltaire N. Dequina
Thursday 30th of January 2014

SAN JOSE, Occidental Mindoro, Enero 29 (PIA) – Naging matagumpay ang idinaos na Dugoy Festival  sa bayan ng Sablayan noong Enero 24 – 27.

 

Ang pagdiriwang na ito ay isang taunang selebrasyon bilang paggunita sa ika-112 na anibersaryo ng pagkakatatag ng bayan ng Sablayan na may temang “Sablayan, Mangunguna sa Lalawigan, Sentro ng Kaunlaran”.

 

“Ang Dugoy isang salita ng mga katutubo na ang ibig sabihin ay kaibigan. Ito (Dugoy Festival) ay isa lamang sa dahilan kung bakit nakikilala ang Sablayan. Ang goal namin ay makilala di lamang sa MIMAROPA kundi sa buong Pilipinas. Ito rin ay nagsisilbing daan upang maipakita ang ilan sa mga kultura ng mga katutubong Mangyan. ” ayon kay OICTourism Officer Gracia Fille.

 

Ang unang araw ng nasabing pagdiriwang ay pinangunahan ng pagdating ni Secretary Corazon Juliano Soliman, kalihim ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) upang lagdaan ang Memorandum of Agreement (MOA) ng Core Shelter Assistance Program (CSAP) na magbibigay ng bagong lupa’t bahay sa may 379 na pamilya. Binisita rin ng kalihim ang Sityo Yapang at Sigaras, mga lugar na paglilipatan, at nagsagawa ng groundbreaking sa dalawang sityo.

 

Ito rin ang araw na nakalaan para sa mga katutubo. Isang “boodle fight”, o sama-samang pananghalian ang isinagawa sa municipal plaza kung saan nakapiling ng mga lider ng Indigenous People (IP) si Secretary Soliman, Occidental Mindoro Congresswoman Josephine Sato, DSWD Regional Director Wilma Naviamos, Director Homer Tobias ng Department of Agrarian Reform, Commissioner Ric Domingo ng Presidential Commission on Urban Poor, Sablayan Mayor Eduardo Gadiano at kanyang Vice Mayor Andres Dangeros kasama ang ilang kasapi ng Sangguniang Bayan.

 

“Tradisyon nang sa tuwing Enero 24, ay araw ng mga katutubo. Dito ay bida ang mga IPs natin kung saan sila ay nagpapalabas ng kanilang kultura at tradisyon ” ayon kay Executive Assistance II Walter Marquez. 

 

Nagsagawa naman ng drum and lyre parade and competition noong January 25 ng umaga samantalang may fireworks display at variety show sa gabi.

 

Nabigyan naman ng pagkakataon ang mga naghahanap ng trabaho sa isinagawang Employment One Stop Shop at Jobs Fair noong Enero 26.  Ang dalawang pinakaaabangan sa selebrasyon ng Dugoy festival ay ang street dancing competition at ang koronasyon ng itinanghal na Binibining Sablayan. Isinagawa ito noong Enero 27.

 

Nanguna sa 13 kalahok sa street dancing competition ang barangay Pagasa at tumanggap ng P75, 000.  “Nanguna ang barangay Pagasa dahil mas kakaiba ang presentasyon nila. Malinis ang delivery ng performance at naipakita ang ideya ng kultura ng katutubo na kakaiba sa karamihan ng sumaling grupo", ayon kay  Fille.

 

Tinanghal naman na Binibining Sablayan si Winkle Aguirre ng barangay Poblacion. Tumangap si Aguirre ng P 20, 000 at magiging opisyal na kandidata ng Sablayan sa Binibining Agri-Turismo ng Arawatan Festival sa Nobyembre. (LBR/VND/PIA4B/Occ Min)

 

 

Transparency Seal   Bayani Challenge Logo
Mabini @150
Mabini @150
Mabini @150
Mabini @150
National Disability, Prevention and Rehabilitation Week
free counters